Tiniyak ng Bureau of Jail Management Penology (BJMP) Cauayan ang mas mahigpit at pinaigting na health monitoring sa loob ng kanilang pasilidad pangunahin na sa mga personโs deprived of Liberty (PDL) matapos makapagtala ng isang kaso ng tubercolosis noong buwan ng Disyembre.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jail Senior Inspector Isagani Gayap, Assistant Jail warden, sinabi niya na agad silang kumilos upang matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng lahat ng PDL sa sandaling makumpirma ang kaso.
Aniya, tuloy-tuloy ang kanilang regular health check-up, obserbasyon at monitoring upang matiyak na walang ibang mahahawaan at agarang matugunan ang anumang sintomas ng sakit.
Tiniyak naman ng pamunuan ng BJMP na sapat ang suplay ng mga gamot at medical assistance sa loob ng pasilidad sakaling mayroong mga nangangailangan ng agarang gamutan.
Patuloy din ang kanilang koordinasyon sa City Health Office lalo na kung mayroong naitatala na malubha o nakahahawang karamdaman upang makatiyak na sila ay nakasusunod sa tamang heath protocols at medical procedures.
Nilinaw naman ni Gayap na ang PDL na naitalang may TB ay nasa maayos na ngayong kondisyon matapos maisailalim sa halos isang buwang isolation at gamutan.
Aniya, naging epektibo ang isolation protocol upang mapigilan ang pagkalat ng sakit sa naturang pasilidad.
Samantala, kahit hindi aniya mainit ang panahon ay nananatiling matatag at nasa maayos ang pangkalahatang kalusugan ng mga PDL.
Ito ay bunsod ng mahigpit na pagbabantay, maayos na sanitation at mahigpit na pagpapatupad ng health measures sa loob ng kulungan.










