CAUAYAN CITY – Isinailalim sa Calibrated Lockdown ang Purok 6, sa barangay District 3,CauayanCity matapos maitala ang 13 na COVID-19 positive.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan Estoy Meris ng District 3, sinabi niya na tinatayang 500 na pamilya o 2,000 indibidual ang apektado ng naturang calibrated lockdown sa kanilang barangay.
Pansamantala ay hindi muna maaaring maglabas-masok ang mga residente sa naturang lugar.
Una nang nagbigay ng tulong ang barangay sa mga apektadong residente at nakahanda ring tumugon ang kanilang barangay tanod sakali man na may mga pangangailangan pa ang mga residente na kailangang tugunan.
Ayon kay Barangay kapitan Meris, nag-ugat ang pagkakahawa ng nasa labing tatlong indibiduwal sa kanyang barangay sa birthday party ng isang pamilya noong bisperas ng pasko.
Bagamat batid ng barangay ang naturang kasiyahan ay hindi na nila ito pinigilan dahil pawang miyembro lang ng pamilya ang kasali rito.
Sa ngayon ay nasa maayos nang kalagayan ang mga nagpositibo sa COVID-19.
Isinailalim na rin sa swab test o pagsusuri ang iba pang direct contact ng mga pasyente.
Matatandaan na kabilang ang mga COVID-19 patient sa barangay District 3 sa tatlumpu’t anim na naitalang positibo sa COVID-19 noong araw ng sabado na pinakamataas na naitala sa lunsod ng Cauayan sa loob ng isang araw.











