--Ads--

CAUAYAN CITY – Iginiit ng pamunuan ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO) 1 na wala silang pananagutan sa pagkakuryente na sanhi ng pagkamatay ng dalawang tao sa San Guillermo, Isabela.

Ang mga nasawi  ay sina Salvador Wigan, 48 anyos, tsuper, residente ng Salay, Angadanan, Isabela at Florentino Manuel, 62 anyos at residente ng Nakar, San Guillermo, Isabela.

Sa pagsisiyasat ng San Guillermo Police Station, sumabit ang likurang bahagi ng minamanehong dumptruck ni Wigan sa electrtic wire ng ISELCO 1.

Sinikap ni Manuel na tulungan si Wigan subalit maging siya ay nakuryente.

--Ads--

Agad dinala sa ospital ang dalawa subalit idineklara silang dead on arrival ng attending physician.

Bukod sa dalawang biktima ay nasunog din ang dalawang gulong ng dumptruck dahil malakas na boltahe ng koryente

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Jose Zipagan, area Engineer ng ISELCO 1 sa bahagi ng San Guillermo, sinabi niya na walang kapabayaan sa kanilang panig dahil  dahil hindi naman  nakalaylay at hindi naputol ang kable ng koryente.

Ayon kay Engr. Zipagan, nasa 7,620 ang boltahe ng primary line ng ISELCO 1 kung saan sumabit ang dumptruck na dahilan ng pagkakuryente  ng dalawang tao sa San Guillermo.

Nang kanilang pinuntahan ang pinangyarihan ng insidente ay nakita nilang nakaparada sa mismong ilalim ng linya ang dumptruck.

Kahit kanilang iginigiit na wala silang pananagutan sa insidente ay planong puntahan ng ISELCO 1 ang pamilya ng mga biktima upang makiramay at tiniyak na may ibibigay silang tulong sa kanila.

Pinaalalahanan   ni Engr. Zipagan ang mga mamamayan na magdoble ingat sa kanilang gawain sa ilalim ng mga kable ng kuryente upang maiwasan ang panganib.

Ang pahayag ni Engr. Jose Zipagan.