--Ads--

Sisimulan na ng Isabela Electric Cooperative 1 (ISELCO-I) ang pagpapatupad ng selective disconnection ngayong Nobyembre at Disyembre, alinsunod sa direktiba ng Energy Regulatory Commission (ERC) na inilabas noong Oktubre 13, 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, kinumpirma ni Ms. Laarni San Antonio, Branch Office Supervisor ng ISELCO-I, na sakop ng selective disconnection ang mga member-consumer na may buwanang konsumo na 200 kilowatt-hours (kWh) pataas, gayundin ang mga non-residential consumer at industrial account.

Nilinaw naman ni San Antonio na maging ang mga member-consumer na may konsumo na 200 kWh pababa kada buwan ay maaari pa ring maputulan ng serbisyo ngayong Nobyembre kung mayroon silang hindi nabayarang bill para sa mga buwan ng Mayo, Hunyo at Hulyo.

Kaugnay nito, nagpaalala ang kooperatiba sa mga deadline ng pagbabayad upang maiwasan ang disconnection.

--Ads--

Para sa hindi nabayarang bill noong Mayo, Hunyo at Hulyo, hanggang Nobyembre 26 na lamang ang palugit sa pagbabayad. Ang mga hindi makapagbabayad ay puputulan ng kuryente simula Nobyembre 27.

Para sa hindi naman nabayarang bill noong Agosto, Setyembre at Oktubre, hanggang Disyembre 26 ang palugit sa pagbabayad, habang isasagawa ang disconnection simula Disyembre 27.

Samantala, nagpapatuloy ang educational campaign ng ISELCO-I sa iba’t ibang barangay upang maipaliwanag sa mga member-consumer ang bagong panuntunan ng ERC at matiyak na nauunawaan nila ang mga kundisyon sa pagpapatupad nito.