--Ads--

Pinag-aaralan ng pamahalaan ng Japan at ng ruling coalition ang halos pagdodoble sa budget para sa pagpapalakas ng kanilang depensa sa susunod na limang taon, alinsunod sa hakbang ni Prime Minister Sanae Takaichi na palakasin ang kakayahan ng kanilang militar.

Batay sa mga source na may kaalaman sa usapin, posibleng umabot sa 70 hanggang 80 trillion yen o katumbas ng 457 hanggang 508 billion US dollars ang ilaan para sa defense buildup simula Abril 2027.

Mas mataas ito kumpara sa 43 trillion yen na inilaan sa kasalukuyang five-year defense plan na nagsimula noong fiscal year 2023.

Kabilang sa inaasahang paggagamitan ng pondo ang pagbili ng maraming drones, gayundin ang pagpapaunlad ng long-range missiles, artificial intelligence at space technologies.

--Ads--

Ayon sa mga source, nakaaapekto rin ang paghina ng yen sa pagtaas ng halaga ng pagbili ng mga kagamitang pandepensa.

Gayunman, maaari pang magbago ang kabuuang halaga habang tinatapos ng pamahalaan ang budget at nirerebisa ang mga dokumentong may kaugnayan sa national security sa pagtatapos ng taon.