--Ads--

CAUAYAN CITY – Naniniwala ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) na tama ang computation ng Bureau of Corrections (BuCor) sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) ni US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.

Si Pemberton ay hinatulang mabilanggo sa kaso ng pagpatay sa transgender woman na si Jennifer Laude noong 2014.

Batay sa kautusan ni Olongapo RTC Branch 74 Judge Roline Ginez-Jabalde, pinaboran niya ang partial motion for reconsideration na inihain ng abogado ni Pemberton.

Nakasaad dito na napagsilbihan na ni Pemberton ang hatol sa kaniya na hanggang 10 taong pagkabilanggo.

--Ads--

Isinama sa computation ng kaniyang pagkabilanggo ang kaniyang preventive imprisonment, actual na service of sentence at ang nakuha niyang GCTA.

Maliban dito ay nabayaran na nang buo ni Pemberton ang danyos na higit P4.6 milyon na iniutos ng Korte Suprema para sa pamilya Laude.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo ‘Egon’ Cayosa, pangulo ng IBP, sinabi niya na nauunawaan nila ang sentimyento ng mga abogado ng pamilya Laude.

Gayunman, kahit isang Amerikano si Pemberton ay puwede rin siyang makinabang sa GCTA Law dahil homicide ang nagawa niyang krimen at hindi ito kabilang sa heinous crime.

Ayon kay Atty. Cayosa, naniniwala siya na pagkatapos ng eskandalo sa Bucor ay inayos na nila ang pag-cumpute ng GCTA.

Dagdag pa niya na nirereview naman ng korte ang computation at dahil may kuwestiyon ang pamilya ng biktima ay puwede rin nila itong tingnan.

Maganda aniyang naghain ng motion for reconsideration ang pamilya Laude at kung mayroon silang ebidensya na mali ang computation ay dapat na ipakita nila sa korte.

Sinabi ni Atty. Cayosa na ngayong pinoproseso na ang pagpapalabas kay Pemberton ay kailangang desisyunan ng korte ang motion for reconsideration na inihain ng abogado ng pamilya Laude.

Ang pahayag ni Atty. Domingo Cayosa.