Inamin ni nine-time PBA MVP June Mar Fajardo na posibleng maging huli na niya ang nalalapit na mga laro ng Gilas Pilipinas sa FIBA Basketball World Cup 2027 Asian Qualifiers.
Nakatakdang harapin ng Gilas ang Jordan sa Agosto 28 at Iran sa Agosto 30 sa Mall of Asia Arena para sa fourth window ng qualifiers.
Ayon sa mga ulat, nagpahiwatig si Fajardo na maaaring ito na ang kanyang huling pagsabak sa national team, bagama’t hindi pa niya tuluyang kinumpirma ang pagreretiro sa Gilas.
Si Fajardo, 36, ay matagal nang bahagi ng Gilas Pilipinas at nakasama sa ilang major international competitions, kabilang ang 2014, 2019 at 2023 FIBA Basketball World Cups.
Sa kasalukuyang World Cup qualifiers, may anim na laro na si Fajardo at may average na 4.2 puntos, 3.8 rebounds at 1.5 assists kada laro, ayon sa FIBA.
Mahalaga ang nalalapit na dalawang laro para sa Pilipinas na kasalukuyang may 2-4 record matapos ang apat na sunod na pagkatalo. Kailangan ng Gilas na makabawi upang manatiling buhay ang tsansa nitong makapasok sa 2027 World Cup.











