Nagdudulot umano ng panganib sa mga motorista ang nagkalat na mga pako, piraso ng bakal at iba pang debris sa kalsada sa Purok Uno ng Barangay Minante II, Cauayan City, na iniuugnay ng mga residente sa mga truck ng isang junkshop na dumaraan sa naturang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Adrian Lim, tatlong beses siyang nakaranas ng pag-flat ng kaniyang motorsiklo habang dumaraan sa naturang lugar patungo sa kanilang bukid.
Matapos ang ikatlong insidente, sinabi ni Lim na napansin niyang dumaraan ang isang truck na ginagamit umano ng junkshop sa paghahakot ng mga kalakal.
Pinara umano niya ang sasakyan at ayon sa kaniyang pahayag, nakita mismo niyang may mga pako na nahuhulog mula sa truck habang ito ay bumibiyahe.
Iniugnay ni Lim ang pagkalaglag ng mga pako at maliliit na piraso ng bakal sa umano’y kawalan ng sidings ng truck, na aniya’y nagiging dahilan upang mahulog ang mga materyales habang tumatagtag ang sasakyan sa konkretong kalsada.
Dahil dito, nananawagan ang residente sa pamunuan ng junkshop na higpitan ang pagbabantay sa kanilang mga truck at tauhan at tiyaking nalilinis ang mga sasakyan bago lumabas ng compound upang hindi na magkalat ng debris sa kalsada.
Samantala, ayon naman kay Punong Barangay Saturnino Aggarao Jr. ng Barangay Minante II, Cauayan City, sinabi niya na hindi na bago sa kanilang tanggapan ang naturang reklamo dahil ilang ulit na umano nilang kinausap ang junkshop at naglatag na ng mga hakbang upang maiwasan ang problema.
Kabilang sa mga napagkasunduan ang paglilinis sa mga truck bago lumabas ng compound at pagtatalaga ng watcher na susubaybay sa kalsada at mamumulot ng mga debris na maaaring mahulog mula sa mga sasakyan.
Gayunman, aminado ang Punong Barangay na hindi umano naging tuluy-tuloy ang pagpapatupad sa mga napagkasunduang hakbang.
Aniya, naging maayos ang sistema noong una ngunit kalaunan ay hindi na ito napanatili, habang may mga pagkakataon ding hindi umano nakasusunod ang mga driver sa itinakdang proseso bago umalis ng establisimyento.
Bukod sa usapin ng debris, sinabi rin ng Punong Barangay na nakatanggap sila ng mga reklamo hinggil sa ingay na iniuugnay sa operasyon ng junkshop, partikular sa pagkokompak ng mga lata at iba pang materyales.
Dahil sa nagpapatuloy na mga reklamo, umabot na rin umano sa signature campaign ang pagkilos ng mga residente at naiharap na ang kanilang petition sa tanggapan ng Vice Mayor.
Nakatakda namang magkaroon ng pagdinig sa Setyembre 21, kasama ang Legal Office, upang pag-usapan ang mga reklamo at tukuyin ang mga hakbang na maaaring gawin upang matugunan ang mga ito.
Samantala, sinabi ng Punong Barangay na kumpleto naman umano sa mga kinakailangang dokumento ang naturang junkshop para sa operasyon nito.
Sa kabila nito, sinabi ng barangay na patuloy nilang tututukan ang mga reklamong may kaugnayan sa epekto ng operasyon sa kaligtasan at kapakanan ng mga residente at motorista.
Samantala, sinubukan ng Bombo News Team na makuhanan ng panig ang pamunuan ng junkshop hinggil sa mga reklamo.
Ilang ulit nang nagtungo ang Bombo News Team sa naturang establisimyento upang humingi ng pahayag, ngunit hanggang sa oras ng pag-uulat ay wala pa itong naibibigay na opisyal na tugon sa mga alegasyong inihain ng mga residente at sa pahayag ng barangay.







