--Ads--

Inaasahang susuriin ng Justice Committee ng House of Representatives ang kredibilidad ng nagpakilalang bagman na si Ramil Madriaga sa clarificatory hearings bukas, Abril 14, kaugnay ng impeachment proceedings laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte.

Pinahintulutan ni Judge Alma Crispina Collado-Lacorte ng Manila Regional Trial Court Branch 21 ang kahilingan ni Committee Chair Rep. Gerville Luistro na payagan si Madriaga na dumalo sa naturang pagdinig.

Ayon kay Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon, inaasahan ng komite na maipresenta ang lahat ng personalidad, dokumento, at ebidensyang ipinatawag, kabilang si Madriaga na umamin umano bilang bagman ng Bise Presidente.

Dagdag pa ni Ridon, tatalakayin din ng komite ang nilalaman ng sinumpaang salaysay ni Madriaga upang matukoy kung siya ay maituturing na kredibleng saksi.

--Ads--

Si Madriaga ay inatasang magbigay ng personal na testimonya at magsumite ng orihinal na kopya ng kanyang affidavit na may petsang Nobyembre 2025, pati na rin ang iba pang ebidensyang hawak niya.

Sa kanyang mga pahayag, inakusahan ni Madriaga na siya ang naghatid ng mga bag na naglalaman ng pera para sa kampanya ni Duterte noong 2022, na umano’y pinondohan ng mga drug lord at mga Chinese-led Philippine offshore gaming operators. Ipinahayag din niya na may kinalaman siya sa paghahatid ng confidential funds mula sa Office of the Vice President at Department of Education.

Ang mga dokumento at testimonya ni Madriaga ay bahagi ng ebidensyang hinihingi ng komite kaugnay ng mga reklamong impeachment na inihain laban kay Duterte at sinuportahan ng ilang mambabatas.

Samantala, sinabi ng abogado ni Duterte na si Paolo Panelo na si Madriaga ang “weakest link” sa tangkang impeachment. Nilinaw ni Panelo na hindi nila pipigilan ang testimonya ni Madriaga, ngunit nag-aalala sila na maaaring paniwalaan ito ng ilan dahil sa “pagpapalakas” ng kanyang mga pahayag.