Inihayag ni Justice Secretary Fredderick Vida na nakatakda siyang bumiyahe patungong Czech Republic ngayong linggo upang makipagpulong sa kanyang counterpart sa Prague kaugnay ng pagbabalik sa bansa ni dating mambabatas Zaldy Co.
Ayon kay Justice Secretary Vida, parehong signatory ang Pilipinas at Czech Republic sa United Nations Convention Against Corruption (UNCAC), isang kasunduan para sa pandaigdigang kooperasyon laban sa katiwalian. Sasamahan siya ni Chief State Counsel Dennis Chan upang talakayin ang posibleng deportasyon ni Co at iba pang legal na opsyon ng pamahalaan.
Binanggit ni Justice Secretary Vida na kumpiyansa siya dahil hindi kinukunsinti ng Czech Republic ang katiwalian.
Gayunman, nilinaw ng kalihim na iginagalang ng pamahalaan ang mga patakaran ng Czech Republic, kabilang ang mahigpit na data privacy rules ng European Union, dahilan kung bakit walang lumalabas na larawan ni Co sa kustodiya ng mga awtoridad doon.
Dagdag pa ni Vida, nakatanggap ang Philippine Center for Transnational Crime ng sulat mula sa Czech authorities na nagtatanong hinggil kay Co, indikasyon umano na nasa kanilang kustodiya ang dating kongresista.
Ayon sa kalihim, may kasama si Co nang siya ay maaresto, ngunit hindi pa nagbigay ng karagdagang detalye ang Czech police.
Tiniyak ni Vida na sa kabila ng posibleng legal na hakbang ni Co upang maiwasan ang pagbabalik sa bansa, mapapanagot pa rin siya sa mga kasong kaugnay ng umano’y ghost flood control projects na nakabinbin sa Sandiganbayan.











