Pagnanakaw ang tinitingnang motibo ng pulisya sa pagpasok ng limang kalalakihan sa isang firing range sa Barangay Arabiat, Echague, Isabela, kung saan dalawa sa mga ito ang naaresto.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Domer Pelo, Chief of Police ng Echague Police Station, sinabi nitong nakipag-ugnayan sa kanilang himpilan ang caretaker ng firing range matapos mamataan ang mga kahina-hinalang indibidwal sa lugar.
Ayon sa caretaker, una nilang napansin ang pagkawala ng ilang kagamitan sa firing range kaya naghinala silang maaaring ninakaw ang mga ito.
Agad namang rumesponde ang mga pulis at naaktuhang naroon ang limang indibidwal. Gayunman, nagtakbuhan ang mga ito nang makita ang mga awtoridad.
Isa umano sa mga suspek ang nagpaputok ng baril patungo sa direksiyon ng mga pulis, ngunit walang naiulat na nasugatan sa insidente.
Nauwi sa habulan ang operasyon hanggang sa maaresto ang isa sa mga suspek na residente ng Barangay Naggasican, Santiago City.
Nakumpiska mula sa kaniyang pag-iingat ang isang caliber .45 pistol na may dalawang bala sa magazine at isa pang bala sa chamber.
Narekober din sa lugar ang dalawang motorsiklong walang plaka. Sa isinagawang crime scene processing, nakakita rin ang mga awtoridad ng dalawang fired cartridge at isang live round ng caliber .45 ammunition.
Kasunod nito, naaresto rin sa isinagawang hot pursuit operation ang isa pang suspek sa Barangay Naggasican, Santiago City.
Samantala, patuloy pang pinaghahanap ng pulisya ang tatlo pa nilang kasamahan. Ayon kay PMaj. Pelo, mayroon umanong mga naunang rekord ng pagnanakaw sa ibang bayan ang mga ito.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang posibleng pagkakasangkot ng mga suspek sa pagkawala ng mga kagamitan sa firing range.
Ang mga suspek ay posibleng maharap sa kasong Direct Assault, paglabag sa Section 29 ng Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at Trespass to Dwelling, alinsunod sa resulta ng imbestigasyon at mga kaukulang legal na proseso.











