--Ads--

Hindi makakasama si Kai Sotto sa third window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers na gaganapin sa magkahiwalay na venue sa New Zealand at Australia sa susunod na buwan.

Ayon kay coach Tim Cone, nakatuon ang 7-foot-3 na center sa kanyang hangaring makapasok sa NBA.

Sasabak si Sotto sa NBA Summer League na magsisimula sa Hulyo, kasabay ng iskedyul ng FIBA qualifiers.

Ipinaliwanag ni Cone matapos ang open practice ng Gilas Pilipinas sa FilOil Arena sa San Juan City noong Lunes na isinasakatuparan ni Sotto ang plano nitong makapasok sa NBA.

--Ads--

Giit pa ng Gilas head coach, hindi sila makikialam sa naging desisyon ng player dahil ito ang direksiyong pinipili nito para sa kanyang karera.

Kamakailan lamang ay ikinasal si Sotto sa aktres na si Rere Madrid, at inanunsyo rin nito sa social media na siya ay magiging ama.

Sa kabila ng kanyang hindi paglahok, kinilala ni Cone ang malaking ambag ni Sotto sa kampanya ng Gilas, lalo na sa mga mabibigat na laban kontra New Zealand at Australia.

Matatandaang naging bahagi si Sotto ng Gilas nang talunin ng Pilipinas ang New Zealand, 93–89, sa FIBA Asia Cup 2025 Qualifiers noong 2024 sa Mall of Asia Arena, kung saan nagtala siya ng 19 puntos at 10 rebounds.