Pormal nang nilagdaan ng Pilipinas at Australia ang isang kasunduan na naglalayong palakasin ang ugnayang pandepensa at kooperasyong militar ng dalawang bansa.
Nilagdaan ang Defense Cooperation Agreement (DCA) nina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at Australian Ambassador to the Philippines Marc Innes-Brown nitong Linggo.
Ayon kay Teodoro, layunin ng kasunduan na mas mapabilis at mapadali ang koordinasyon ng dalawang bansa sa mga usaping may kaugnayan sa militar at seguridad.
Kabilang dito ang pagtugon sa mga kalamidad, pagbili ng mga kagamitang pandigma, at pagsasagawa ng magkasanib na pagsasanay militar sa lupa at karagatan.
Binigyang-diin ni Teodoro na isa sa mga pangunahing benepisyo ng kasunduan ang mas mabilis na pagresponde ng Australia sa oras ng kalamidad dahil mababawasan na ang mga kinakailangang permit at proseso.
Aniya, sa halip na dumaan sa maraming magkakahiwalay na pahintulot, magkakaroon na ng mas pinasimpleng proseso upang agad na makapagbigay ng tulong ang mga kaalyadong Australiano.
Matatandaang unang lumagda ang dalawang bansa sa isang kasunduan na nagpapahayag ng kanilang intensiyong pormalisahin ang naturang defense cooperation agreement ngayong 2026.
Nilinaw naman ni Teodoro na naiiba ang kasunduan sa Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos, na nagbibigay-daan sa paggamit ng US troops sa mga itinalagang pasilidad militar ng bansa.
Samantala, nakatakda ring magtatag ang Pilipinas, Estados Unidos, Japan at Australia ng Combined Coordination Center sa Maynila upang higit pang palakasin ang kooperasyon sa information sharing, domain awareness at interoperability ng kanilang mga militar.











