--Ads--

Lubhang “unpredictable” o mahirap hulaan ang kahihinatnan ng Game 1 ng NBA Finals sa pagitan ng New York Knicks at San Antonio Spurs.

Ito ay dahil sa kakaibang senaryo kung saan karamihan sa mga batang core players ng dalawang koponan ay ngayon pa lamang tatapak sa championship games.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sports Analyst Ginoong Ian Dalog, sinabi niya na malaking salik ang kakulangan sa championship experience ng magkabilang koponan, na tiyak na magdadala ng matinding pressure sa unang laro ng serye.

Aniya, dahil parehong bago ang karamihan sa mga pambato ng Knicks at Spurs sa ganitong antas, ang unang laro ay magiging sukatan kung sinong koponan ang mas mabilis na makakapag-adjust ng emosyon at sistema sa ilalim ng dambuhalang pressure ng Finals.

--Ads--

Inihayag pa niya na sa ganitong mga serye, madalas na nagkakatalo sa matinding kaba ng mga batang manlalaro lalo na sa simula ng unang kwarter.

Binigyang-diin ni Dalog na ang magiging susi sa tagumpay ng Game 1 ay kung kanino mas epektibong gagana ang estratehiya ng kani-kanilang coaching staff upang pakalmahin at gabayan ang kanilang mga manlalaro.

Ang paghaharap na ito ay isang makasaysayang rematch, dahil ang kanilang unang pagtutuos sa kampeonato ay naganap noong 1999 NBA Finals, kung saan tinalo ng Spurs sa pamumuno nina Tim Duncan at David Robinson ang Knicks sa loob ng limang laro (4-1).

Ayon kay Ginoong Dalog, liyamado ngayon ang Spurs dahil sa presensya ng kanilang dambuhala at matangkad na manlalarong si Victor Wembanyama.

Gayunpaman, tiyak namang hindi magpapadaig ang Knicks sa pamumuno nina Jalen Brunson, Josh Hart, at ng Filipino-American guard na si Jordan Clarkson, na sandata ngayon ng New York bitbit ang kanyang mahalagang karanasan sa paglalaro sa NBA Finals noong 2018.