Maaaring lalong lumala ang kakulangan sa mga guro sa bansa kung walang maidaragdag na bagong teacher items sa 2027 budget, kasabay ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga estudyante.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Benjo Basas, Chairperson ng Teacher’s Dignity Coalition, sinabi niyang batay sa National Expenditure Program o NEP, lumilitaw na walang nakalaang budget para sa hiring ng mga bagong guro.
Gayunman, umaasa si Basas na mababago pa ito sa nagpapatuloy na budget deliberations sa Kongreso, lalo’t nagpahayag umano ng suporta ang mga mambabatas para sa karagdagang pondo ng DepEd.
Aniya, hindi sapat na mapunan lamang ang mga mababakanteng teaching positions dahil may mga gurong nagreretiro, umaalis sa serbisyo o nangingibang-bansa, habang patuloy namang tumataas ang enrollment.
Partikular niyang binigyang-diin ang pangangailangang bawasan ang bilang ng mga estudyante sa isang klase, lalo na sa Kinder hanggang Grade 3, upang mas matutukan ang mga bata at mapalakas ang pundasyon sa pagbabasa.
Naniniwala si Basas na makatutulong ito sa pagpapataas ng performance ng Pilipinas sa PISA, dahil ang pagbabasa ang pundasyon ng pagkatuto sa iba pang asignatura.











