Patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ng Pilipinas ang tumitinding tensyon sa Middle East upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino sa rehiyon, ayon kay Ferdinand Marcos Jr. ngayong Linggo.
Sa isang online video, sinabi ng Pangulo na agad nakipag-ugnayan ang gobyerno sa mga embahada ng Pilipinas at mga labor attaché sa Middle East simula nang magsimula ang mga pag-atake nitong Sabado.
“At sa ngayon, patuloy ang aming pag-monitor para tiyakin na nasa magandang kalagayan ang ating mga kababayan sa Middle East,” ani Marcos.
“Ito’y kailangan nating tuloy-tuloy na bantayan at hindi ito tapos pa. Palagay ko patuloy pa itong giyerang ito,” dagdag pa niya.
Nauna nang iniulat ng Department of Migrant Workers na nananatiling ligtas ang mga Pilipino matapos ang air strikes na inilunsad ng Estados Unidos at Israel laban sa mga target sa Iran, na sinagot naman ng Islamic Republic ng mga retaliatory attack.
Kaugnay nito, pinapayuhan ang mga Pilipino sa apektadong lugar na manatiling alerto at makipag-ugnayan sa pinakamalapit na tanggapan ng pamahalaan kung kinakailangan.
Para sa mga emerhensiya, maaaring kontakin ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga sumusunod na numero:
• (+632) 1348 (International)
• 1348 (Metro Manila)
• (02) 1348 (Regional at mobile)
Patuloy namang nakabantay ang pamahalaan habang inaasahang magpapatuloy pa ang tensyon sa rehiyon.





