Tiniyak ni Senator Erwin Tulfo na hindi maaaring bawiin ng mga electric company sa ibang paraan ang systems loss na nakokolekta sa mga konsyumer sakaling tuluyang alisin ang naturang singil sa electricity bill.
Ayon kay Tulfo, hindi maaaring tanggalin lamang ang systems loss charge sa isang bahagi ng bill at pagkatapos ay isingit naman ang katumbas na halaga sa distribution, supply o iba pang singil.
Sa pahayag ng senador, nakita na umano nila ang posibilidad na gamitin ng mga electric company ang ibang bahagi ng electric bill para mabawi ang mawawalang systems loss charge.
Binigyang-diin ni Tulfo, chairman ng Senate Committee on Energy, na malinaw sa Senate Bill No. 2486 o Systems Loss Charge Removal Act na hindi maaaring i-recover ng distribution utilities at electric cooperatives ang allowed losses sa pamamagitan ng iba pang charges.
Kabilang sa mga ipinagbabawal na pagkunan ng pambawi ang distribution wheeling charges, supply charges, metering charges, universal charges at subsidies, maging sa iba pang bahagi ng electricity bill.
Ang panukala ay isa sa mga priority measure ng kasalukuyang administrasyon at ini-sponsor ni Tulfo sa plenaryo noong Setyembre 22.
Iginiit ng senador na hindi dapat ipasa sa mga konsyumer ang gastos para sa kuryenteng hindi naman nila aktuwal na nagamit, lalo na kung nagmumula ito sa operational losses o problema sa pamamahala at kagamitan ng mga electric company.
Ayon kay Tulfo, layunin ng panukala na maiwasang maging dagdag-pasanin sa publiko ang systems loss at matiyak na hindi lamang ililipat sa ibang pangalan o bahagi ng electric bill ang naturang singil.
Sa ilalim ng panukalang batas, kailangang tiyaking ang pagtanggal sa systems loss charge ay tunay na magreresulta sa proteksyon at posibleng ginhawa sa mga konsyumer, at hindi lamang paglilipat ng singil sa ibang bahagi ng kanilang electricity bill.











