--Ads--

Mas pinipili na ngayon ng ilang residente sa Lungsod ng Cauayan na magtipid sa paggamit ng kuryente upang mapababa ang kanilang buwanang electric bill sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin ng pamilya.

Isa na rito si Ginang Mely Alregi, isang electricity consumer sa lungsod, na nagsabing bagama’t nakakayanan pa naman nila ang kanilang buwanang bayarin, umaasa siyang magkaroon ng pagbaba sa singil sa kuryente.

Ayon kay Alregi, mula sa dating nasa ₱900 ang kanilang electric bill ay unti-unti itong tumaas sa ₱1,000 hanggang umabot sa ₱1,800.

Sa kasalukuyan, nasa ₱1,400 na lamang ang kanilang buwanang bayarin matapos nilang bawasan ang paggamit ng ilang appliances at mas pag-ingatan ang pagkonsumo ng kuryente.

--Ads--

Kabilang sa mga pangunahing appliances na ginagamit nila sa bahay ang refrigerator, rice cooker at washing machine.

Aminado rin si Alregi na may mga pagkakataong nahihirapan ang mga consumer sa pagbabayad ng kanilang electric bill dahil sa dami ng gastusin, dahilan upang umasa silang magkaroon ng mas abot-kayang singil sa kuryente.

Samantala, positibo naman ang pananaw niya sa hakbang ng Energy Regulatory Commission (ERC) na palawakin ang palugit bago putulan ng serbisyo ang mga consumer na may konsumo na 200 kilowatt-hours (kWh) pababa, dahil makatutulong umano ito upang mabawasan ang pasanin ng mga pamilyang kapos sa budget.

Bilang paalala, hinimok ni Alregi ang kapwa consumer na patayin ang mga ilaw na hindi ginagamit at iwasan ang paggamit ng mga appliances na hindi naman kinakailangan upang makontrol ang konsumo.

Dagdag pa rito, mahalagang subaybayan ng mga consumer ang kanilang aktuwal na konsumo sa kilowatt-hour at hindi lamang ang kabuuang halagang nakasaad sa electric bill upang mas maayos na mapamahalaan ang paggamit ng kuryente.