--Ads--

Iminungkahi ni House Committee on Justice Chairperson at Batangas Rep. Gerville Luistro ang posibilidad na kumuha ng mga pribadong abogado kung sakaling matuloy ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Luistro, ang pagdagdag ng mga batikang private litigators ay makapagpapalakas sa prosecution team ng Kamara kapag ang impeachment case ay naihain na sa Senate impeachment court.

Inamin din niya na karamihan sa mga kasalukuyang mambabatas na abogado ay maaaring hindi na ganap na updated sa aktwal na trial litigation, samantalang ang defense team na kanilang haharapin ay inaasahang bubuuin ng mga bihasang litigators.

Binanggit ni Luistro na binubuo ng 11 miyembro ang prosecution panel, na posibleng kinabibilangan ng mga dating prosecutors sa impeachment proceedings noong 19th Congress gaya nina Manila Rep. Joel Chua, San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora, Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores, at 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez.

--Ads--

Posible rin umanong isaalang-alang sina Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, Akbayan Rep. Chel Diokno, Bicol Saro Rep. Terry Ridon, at Cagayan de Oro Rep. Jordan Suan.

Nilinaw naman ni Luistro na hindi awtomatikong kabilang siya sa prosecution panel kahit siya ang chairperson ng Justice Committee, dahil ang mga miyembro ng panel of prosecutors ay ihahalal pa sa plenaryo.