Ipagpapatuloy ng House appropriations panel sa Lunes, Agosto 24, ang deliberasyon sa panukalang ₱7.2-trilyong pambansang badyet para sa 2027 matapos maantala ang mga pagdinig dahil sa malakas na pag-ulan at pagbaha sa Luzon at Metro Manila.
Ayon kay House Appropriations Committee Chairperson at Nueva Ecija Representative Michaela Suansing, kabilang sa mga tatalakayin sa Agosto 24 ang panukalang badyet ng Philippine Amusement and Gaming Corporation, Department of Trade and Industry, Department of Justice, Philippine Charity Sweepstakes Office at Department of Science and Technology.
Sinabi ni Suansing na babaguhin at paiikliin ang ilang bahagi ng iskedyul upang mabawi ang mga naantalang pagdinig. Maaari ring magsagawa ng sabay-sabay na deliberasyon sa magkakaibang venue para sa budget proposals ng iba’t ibang ahensya kung kinakailangan.
Tiniyak naman ni Suansing na hindi isasakripisyo ang masusing pagsusuri sa panukalang budget upang makahabol sa iskedyul at maglalaan ang komite ng flexibility para sa posibleng panibagong pagkaantala, habang target pa ring matapos at maaprubahan sa oras ang 2027 national budget.









