Suportado ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa isang special session ng Kongreso sa darating na June 17,2026 upang tapusin ang mga panukalang batas na nakatutok sa pamilyang Pilipino.
Ayon kay Speaker Dy, handa ang Kamara na tumugon sa Proclamation No. 1318 ng Pangulo.
Nilinaw niya na lahat ng mga prayoridad na batas na binanggit sa proklamasyon ay naaprubahan na ng Mababang Kapulungan bago pa man sila nag-adjourn noong Hunyo 3.
Kabilang sa mga isinusulong na batas ang Anti-Political Dynasty Law, National Center for Geriatric Health Act, mga pag-amyenda sa GASTPE at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), gayundin ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Act. Layon ng mga ito na palakasin ang proteksyong panlipunan, edukasyon, at kalusugan sa bansa.
Sinabi naman ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos na ipinapakita ng hakbang na ito ng administrasyon ang pagmamadali na maipasa ang mga batas na may malaking pakinabang sa mga bulnerableng sektor.
Siniguro ng pamunuan ng Kamara na makikipagtulungan sila sa Senado at sa Ehekutibo upang tuluyang maging ganap na batas ang mga naturang reform measures para sa kapakanan ng mamamayan.











