Matagumpay na nakabuo ng quorum ang 12 mambabatas nitong Miyerkules sa kabila ng pag-boycott ng grupo ni Senate President Alan Peter Cayetano.
Dahil dito, pormal nang nailuklok si Senator Sherwin Gatchalian bilang bagong Senate President Pro Tempore, kasabay ng pagtatalaga ng mga bagong pinuno sa iba’t ibang komite ng Senado.
Ito na ang ikatlong sunod na araw na lumiban sa plenary session ang mayoryang alyansa ni Cayetano. Gayunman, naging mitsa ng pagpapatuloy ng sesyon ang pagdalo ni Senator Francis Escudero, na humiwalay sa grupo ni Cayetano upang sumama sa 11 miyembro ng minorya.
Ayon sa kampo ni Gatchalian, legal ang nabuong quorum batay na rin sa naunang pasya ng Korte Suprema na ang bilang ng mga aktibo at legal na nakatutupad sa tungkulin ang siyang batayan ng mayorya.
Ibinaba sa 12 ang quorum matapos maaresto si Senator Jinggoy Estrada para sa kasong plunder, habang muli namang nagtago si Senator Ronald Dela Rosa dahil sa warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).
Bilang pagpapatibay, ginawang halimbawa ni Gatchalian ang sesyon noong Mayo 5, 2015, kung saan ibinatay lamang sa 17 natitirang senador ang quorum dahil ang iba ay nasa labas ng bansa o kaya ay nakakulong.
Matapos ang sesyon, nagkakaisa ang bagong mayorya na hindi dapat maantala ang trabaho ng Senado dahil lamang sa hidwaan sa pulitika.











