Habang patuloy na nilalampasan ang Kamara, tiniyak ng kampo ni Bise Presidente Sara Duterte na buong makikilahok ang kanyang depensa sakaling umusad ang impeachment trial sa Senado.
Ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng 16-kataong legal team ni Duterte, personal na dadalo ang Bise Presidente kung kinakailangan. “Sa Senado, tiyak na makikilahok ang depensa. Totoong paglilitis ito kaya naroon ang depensa at mga tagausig. Ang presensya ng Bise Presidente ay depende sa pangangailangan ng paglilitis, gaya noong impeachment ni dating Chief Justice Renato Corona,” ani Poa sa panayam ng dzBB.
Dagdag pa niya, makikilahok ang depensa sa Senado nang hindi isinusuko ang petisyong inihain sa Korte Suprema na kumukwestyon sa legalidad ng impeachment proceedings sa Kamara. Ipinaliwanag ni Poa na tungkulin nilang dalhin sa mataas na hukuman ang mga nakikitang paglabag sa Konstitusyon, hindi lamang para kay Duterte kundi para sa lahat ng opisyal na maaaring maharap sa impeachment sa hinaharap.
Binanggit din ni Poa na hindi nabigyan ng kopya ng mga dokumento ang depensa bago ang mga pagdinig sa Kamara. “Kung dadalo kami, wala kaming hawak na dokumento. Paano kami makakasagot nang maayos kung hindi namin ito napag-aralan?” giit niya.
Matatandaang 53 miyembro ng House justice committee ang bumoto ng unanimous para sa dalawang reklamong impeachment laban kay Duterte, kabilang ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman. Ang mga reklamo ay iko-consolidate bago isumite sa plenaryo at kalaunan ay sa Senado para sa paglilitis.
Samantala, nilinaw ni Poa na walang pondong galing sa gobyerno ang ginagamit para sa bayad sa legal team ni Duterte. “Hindi ito pinopondohan ng Office of the Vice President. Personal na usapin ito para sa Bise Presidente,” aniya.











