Ipinahayag ni House Committee on Justice chairperson Gerville Luistro, na tila inihahanda na ng kampo ni VP Sara Duterte ang kanilang depensa para sa posibleng paglilitis sa Senado, batay sa mga naging pahayag ng kanyang mga abogado.
Ayon kay Luistro, lumalabas sa isinagawang press conference ng depensa na kinikilala na ng mga ito ang posibilidad ng trial, lalo na’t binanggit nila ang pangangailangan ng masusing pagsusuri at cross-examination sa mga alegasyon laban sa bise presidente.
Dagdag pa niya, mistulang sumasang-ayon ang kampo ni Duterte sa posisyon ng justice committee na kinakailangan ang paglilitis, ngunit ito ay mangyayari lamang matapos matukoy kung mayroong probable cause ang mga reklamo.
Ipinaliwanag ni Luistro na mababa lamang ang threshold para sa pagtukoy ng probable cause sa Kamara, taliwas sa Senado kung saan hahantong ang proseso sa hatol na guilty o not guilty.
Sa usapin ng umano’y maling paggamit ng confidential funds, sinabi ni Luistro na mayroon nang pinal na desisyon ang Commission on Audit (COA) na nag-uutos kay Duterte na isauli ang P73 milyon mula sa P125 milyong ginastos sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022. Bukod pa rito, may Notice of Disallowance din ang COA sa karagdagang P375 milyon na dapat ding ibalik, bagama’t maaari pa itong iapela sa COA Proper.
Samantala, sa isyu ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman, binigyang-diin ni Luistro ang ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) hinggil sa P6.7 bilyong halaga ng covered at suspicious transactions sa mga account ni Duterte at ng kanyang mister na si Manases Carpio. Aniya, hindi umano ito tumutugma sa mga idineklara ng bise presidente sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Kung hindi umano maipapaliwanag ang pinagmulan at pinaglagyan ng mga nasabing halaga, posibleng pumasok ito sa kategorya ng ill-gotten wealth. Dagdag pa ni Luistro, walang idineklarang cash o bank deposits si Duterte sa kanyang SALN mula 2019 hanggang 2024.
Binanggit din niya na ang mga deposito na inilahad noon ni Antonio Trillanes IV ay lumabas din sa rekord ng AMLC. Sa panig naman ng kampo ni Duterte, iginiit ng kanyang mga abogado na ang mga ito ay isinama sa kategoryang “Others” sa SALN.
Ayon kay Luistro, ang ganitong paliwanag ay lalo pang nagpapakita na nais ng depensa ang paglilitis upang maipaliwanag ang mga detalye, kabilang ang umano’y zero declaration sa cash at bank deposits.
Nakatakda namang magsagawa ng pagdinig ang House Committee on Justice sa Abril 29, kung saan tatalakayin ang umano’y pagbabanta ni Duterte kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Liza Araneta Marcos, at dating Speaker na si Ferdinand Martin Romualdez. Kasama rin sa agenda ang usapin kung bubuksan ang tax records ni Duterte at ng kanyang asawa.
Matapos ang nasabing pagdinig, inaasahan ang pagboto ng komite kung mayroong probable cause ang mga reklamo, na magiging batayan kung iaakyat ang kaso sa Senado para sa paglilitis.





