CAUAYAN CITY – Naglalaro na sa 240 pesos hanggang 380 pesos ang presyo ng bawat kilo ng karne ng baboy sa iba’t ibang bayan at lunsod sa Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Provincial Veterinary Officer Angelo Naui ng Isabela na batay sa kanilang monitoring ay aabot na sa 180 pesos hanggang 220 pesos ang liveweight ng baboy sa lalawigan kaya mataas din ang presyo ng karne sa mga pamilihan.
Aniya, sa Jones at San Agustin ay nasa 240 pesos hanggang 280 bawat kilo ang presyo ng karne ng baboy habang sa Tumauini ay 270 pesos.
Sa lunsod ng Ilagan ay 330 pesos, sa Reina Mercedes ay 350 pesos habang sa Roxas ay nasa 360 pesos kada kilo.
Aabot naman sa 330 hanggang 360 ang presyo kada kilo ng karne ng baboy sa Cabatuan, Isabela.
Ayon kay Dr. Naui, kulang na ang supply ng mga mga kinakatay na baboy sa mga bayan at lunsod dahil wala nang makuhang baboy sa kanilang mga munisipalidad kaya marami na ring puwesto sa palengke ang hindi nagbubukas.
Dahil dito, may posibilidad din na aabot sa 400 pesos bawat kilo ng karne ng baboy ngunit umaasa sila na hindi na ito tataas dahil tiyak na kaunti na lamang ang bibili.
Bukod sa karne ng baboy ay tumaas din ang presyo ng karne ng manok.
Batay sa kanilang monitoring sa iba’t ibang palengke, mayroon nang nagtitinda ng 190 pesos hanggang 200 pesos ang karne ng manok pangunahin sa Cabatuan at Roxas, Isabela.











