Isang 46-anyos na karpintero ang naaresto matapos madiskubre ng mga operatiba ng Delfin Albano Municipal Police Station ang mga hindi dokumentadong tabla, flitches, at chainsaw sa isinagawang pagpapatupad ng search warrant sa Purok 4, Barangay Concepcion, Delfin Albano, Isabela.
Pinangunahan ng nasabing himpilan ang operasyon alinsunod sa search warrant na inilabas kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Bagama’t walang natagpuang ebidensiya kaugnay ng paglabag na nakasaad sa search warrant, nadiskubre naman ng mga operatiba, alinsunod sa plain view doctrine, ang mga hindi dokumentadong tabla at flitches, gayundin ang isang chainsaw na umano’y may kaugnayan sa paglabag sa Presidential Decree No. 705 o Revised Forestry Code of the Philippines, at Republic Act No. 9175 o Chainsaw Act of 2002. Dahil dito, inaresto ang suspek na kinilala sa alyas na “Melvin,” 46-anyos, may asawa, isang karpintero, at residente ng nasabing barangay.
Kabilang sa mga nakumpiskang ebidensiya ang 65 piraso ng sawn lumber at flitches na may tinatayang kabuuang sukat na 967 board feet at halagang ₱53,185.00; isang (1) chainsaw na may tatak na STIHL na walang serial number; at isang (1) set ng circular table saw na nakakabit sa electric machine at isang Llama machine diesel power unit.
Isinagawa sa mismong lugar ang imbentaryo, pagmamarka, at pagsukat sa mga nakumpiskang kagamitan at kahoy sa presensya ng naarestong suspek, na nasaksihan naman ng mga konsehal ng Barangay Concepcion at kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources-Community Environment and Natural Resources Office (DENR-CENRO) upang matiyak ang wastong dokumentasyon ng mga nakumpiskang ebidensiya.
Matapos ang pag-aresto, ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal at ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng Republic Act No. 9745 o Anti-Torture Act of 2009, sa wikang kanyang nauunawaan. Ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensiya ay dadalhin sa Delfin Albano Municipal Police Station para sa wastong disposisyon at kaukulang proseso ng batas.










