Isang drowning incident ang naitala kahapon sa San Antonio, Delfin Albano, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay LDRRM Officer Patrick Madrid ng LDRRMO Delfin Albano, sinabi niya na ang mga biktima ay pawang mga binatilyo na may edad 12 at 17 anyos.
Sa ulat, bandang alas-3 ng hapon nang magkayayaan umano ang apat na kabataan kabilang ang dalawang biktima na maligo sa ilog. Pagsapit ng alas-5 ng hapon ay doon na naganap ang insidente matapos na mapunta sa malalim na bahagi ng ilog ang dalawang biktima.
Agad namang rumesponde ang mga awtoridad at nagsagawa ng search and retrieval operation matapos maiulat ang pagkawala ng dalawang binatilyo sa naturang ilog na pinangyarihan ng insidente.
Natagpuan ang isa sa mga biktima, isang 12-anyos na lalaki, kaninang alas-12 ng hatinggabi. Samantala, patuloy pa ring pinaghahanap ng mga awtoridad at rescue team ang 17-anyos na biktima.
Humingi naman ng augmentation ang LDRRMO sa Bureau of Fire Protection o BFP at mga divers ng PCG Northeastern Luzon para sa search and retrieval operation sa isa pang missing na biktima.
Patuloy ang operasyon ng mga responder sa lugar habang iniimbestigahan pa ang eksaktong pangyayari at sanhi ng insidente bago ito naganap.











