--Ads--

Tiniyak ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) na nagpapatuloy ang proseso ng pagsasampa ng kaso kaugnay sa pagkamatay ni Miss Philippines Earth 2013 runner up Lhulette Jane Dela Cruz ng San Manuel, Isabela habang hinihintay na lamang ang paglabas ng warrant of arrest laban sa itinuturong gunman.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCol. Manuel B. Bringas, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office, sinabi nito na naihain na ang kaukulang kaso sa tanggapan ng piskalya at patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa pamilya ng biktima upang matiyak ang maayos na pag-usad ng proseso.

Ayon kay PCol. Bringas, wala umanong pinapaboran o pinoprotektahang sinuman ang kapulisan at nakatuon lamang sila sa pangangalap ng ebidensya upang matiyak na mananagot ang mga sangkot sa krimen. Aniya, hinihintay na lamang nila ang paglalabas ng korte ng warrant of arrest laban sa suspek.

Samantala, sinabi naman ni PBGen. Mariano C. Rodriguez na hindi isinasara ng Police Regional Office 2 ang imbestigasyon sa kaso at patuloy nilang mino-monitor ang pag-usad nito upang matiyak na mabibigyan ng hustisya ang biktima.Iginiit ng mga opisyal ng pulisya na mananatiling prayoridad ng kanilang hanay ang mabilis na pagresolba sa kaso upang maihatid ang katarungan para kay Lhulette Jane Dela Cruz at sa kanyang pamilya.

--Ads--