--Ads--

Nagsampa ng kasong cyber libel si Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. nitong Huwebes , March 19 sa Makati City Prosecutor’s Office laban sa abugadong si Levito Baligod at dating Congressman Zaldy Co, dahil sa mapanirang pag-atake sa Department of Agriculture.

Inakusahan ni Tiu Laurel si Baligod ng paulit-ulit na paghahabi ng mga alegasyon sa pamamagitan ng press briefings at social media — ng umano’y mga anomalya at mga aksiyong labag sa batas sa DA, kabilang na ang umano’y diversion at misappropriations ng pondo ng bayan.

Nagsampa rin ng hiwalay na kaso ang kalihim laban kay dating Ako Bicol Partylist Rep. Co sa serye ng mga pahayag nito sa video recordings na umano’y nakialam ang Unang Ginang sa mga panloob na usapin ng ahensiya, at ang kanyang kapatid na si Martin Araneta, ay sangkot umano sa importasyon ng sibuyas o smuggling.

Ang isinampang kaso ni Tiu Laurel ay kasunod ng naunang hamon nito kay Co na lumantad at patunayan ang kanyang mga paratang.

--Ads--

“Ito ay pang-abala sa aking trabaho bilang kalihim ng Agrikultura , lalo na sa mga panahong ito ng pagsubok. Hindi ko papayagang gawin nila akong punching bag ” anang kalihim sa isang panayam.

Patungkol naman kay Baligod, sinabi ni Tiu Laurel na unang lumabas ang mga malisyosong pahayag sa press conference ng grupo ng Philippine Marines na nagsabing naghatid umano ng nakaw na pera sa mga public official. Iniugnay din ang alegasyon sa ghost irrigation projects ng DA at iba pa umanong irregilaridad – na mariing itinanggi ng kalihim dahil ito ay walang basehan at mapanira.

“Unang nakita ko itong mga pahayag na ito online sa aking tahanan sa Makati City, na nasa hurisdiksiyon ng piskalyang ito,” ani Tiu Laurel. “Ang mga pahayag na ito ay walang katotohanan, malisyoso, na layuning manghiya at manira. Hindi lamang aniya tinarget ang kanyang personal na integridad kundi para pahinain ang tiwala ng publiko sa ahensiya.”

Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, sinabi ng kalihim na “paulit-ulit ang mga pahayag at bintang ng abugado na malinaw na may malisyosong pakay, na malinaw na elemento ng cyber libel.” Sa ilalim ng batas ng Pilipinas, ang cyber libel ay may parusang hanggang 12 taong pagkabilanggo o multa na umaabot ng P1.5 million. 

Source: Department of Agriculture – Philippines