CAUAYAN CITY – Pinangunahan ni Senador Richard Gordon, national chairman ng Philippine Red Cross (PRC) ang pagbasbas at inagurasyon ng kauna-unahang Molecular Laboratory sa Isabela na ginanap kaninang alas onse ng umaga, November 19, 2020 sa DRRMC Compund sa Alibagu, City of Ilagan.
Ito ay dinaluhan din nina Gov. Rodito Albano, Vice Governor Faustino Dy III, Congressman Tonypet Albano ng 1st district ng Isabela na chairman ng Board of Director ng PRC Isabela Chapter at iba pang mga kawani at volunteer ng PRC.
Ayon kay Senador Gordon, may kakayahang magproseso ng 2,000 tests kada araw ang laboratoryo.
Ito ay handang magtest maging sa mga specimen na magmumula sa karatig na lalawigan ng Cagayan, Ifugao, Kalinga at Apayao.
Sinabi ni Sen. Gordon na pumasa na sa Department of Health (DOH) proficiency test ang laboratoryo at hinihintay na lamang ang license to operate.
Kasama ni Senador Gordon na dumating sa Isabela si Miss Philippines Universe Rabiya Mateo na nagdiriwang ng kaarawan at nag-donate ng Php 100,000 para sa mga naapektuhan ng pagbaha sa Isabela.
Ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela ang nagdonate ng lupang pinagpatayuan sa Molecular Laboratory na may floor area na 120 square meters.
Matatagpuan sa lugar ang mga container vans na tinawag na smart houses para sa mga laboratory equipment.
Ayon naman sa pamunuan ng PRC Isabela Chapter, sinimulan ang pagpapagawa sa Molecular Laboratory noong buwan ng Setyembre 2020.
Ang Molecular Laboratory ay may dalawang laboratory machine maaaring makapagsagawa ng RT-PCR swab Test ng 2,000 na specimen sample sa loob ng 24 na oras.












