--Ads--

Iginiit ng Kontra Daya na hindi dapat basta manatili sa puwesto ang mga kasalukuyang barangay at SK officials nang walang panibagong mandato mula sa mga botante, kasunod ng panibagong panukalang pagpapaliban sa BSKE.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kontra Daya Convenor Prof. Danilo Arao, sinabi niyang nakapagtataka ang muling pagpapaliban ng halalan dahil ang barangay ang pangunahing yunit ng pamahalaan at unang nilalapitan ng mga mamamayan para sa batayang serbisyo.

Samantala, inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang gawing limang taon ang termino ng mga opisyal ng barangay at SK, at ilipat ang susunod na halalan sa Nobyembre 2028.

Nagbabala rin ang Kontra Daya na maaaring magkaroon ng epekto sa iba pang antas ng pamahalaan ang pagpapahaba ng termino ng mga lokal na opisyal, dahil maaari itong magsilbing batayan para sa mga panibagong panawagan na palawigin ang termino ng iba pang halal na opisyal.

--Ads--

Gayunman, hindi pa ito nangangahulugang pinal nang ipinagpaliban ang 2026 BSKE dahil kailangan pa itong dumaan sa mga susunod na proseso ng lehislasyon bago maging ganap na batas.

Nanawagan naman si Arao sa publiko na ipahayag ang kanilang posisyon hinggil sa panukalang pagpapaliban ng halalan habang nagpapatuloy ang proseso sa Kongreso.