Hindi pwedeng balewalain at sabihing pamumulitika lamang ang isang insidente ng pagtatangka sa buhay ng isang tao na kinasasangkutan ng isang Congressman at tumatakbo sa halalan.
Ito ang inihayag ng isang Political Analyst matapos sabihin ni Vice President Sara Duterte na isang ‘Political Attack’ lamang ang ibinabato sa kaniyang kapatid na si Cong. Paulo Duterte hinggil sa isyung kinasasangkutan nito dahil sa umano’y pananakit sa isang negosyante na nakuhanan pa ng video.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Michael Yusingco, Political Analyst at Constitutionalist, sinabi niya na seryosong krimen ang pagtatangka sa buhay ng isang tao lalo na at ito ay kinasasangkutan ng isang tao na may katungkulan sa bayan.
Malinaw aniya na ito ay paggamit sa kapangyarihan laban sa isang ordinaryong tao at hindi dapat ito isantabi ng taumbayan.
Sa ngayon ay nahaharap sa kasong grave threats at Physical Injuries ang naturang kongresista.