Sinagot ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea Jay Tarriela ang mga pahayag ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte kaugnay ng usapin sa China at West Philippine Sea.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Tarriela na tila siya ang pinupuntirya ng kongresista sa halip na ang China, na aniya ay patuloy na nanggigipit sa mga Pilipino sa West Philippine Sea.
Nilinaw din ng opisyal na nananatiling aktibo ang diplomatikong ugnayan ng Pilipinas at China sa pamamagitan ng kanilang mga embahada, konsulado, at Bilateral Consultation Mechanism na tumatalakay sa mga isyu sa karagatan.
Binigyang-diin ni Tarriela na bahagi ng kanyang tungkulin ang ipaalam sa publiko ang mga aktuwal na pangyayari sa West Philippine Sea at hindi ang magbigay ng sariling interpretasyon sa mga ito. Aniya, ang pananahimik sa harap ng agresyon ay hindi maituturing na diplomasya.
Pinuna rin niya ang umano’y kawalan ng pahayag ni Duterte sa mga insidenteng kinasangkutan ng mga sundalo, Coast Guard personnel, at mga mangingisdang Pilipino na nakaranas ng panggigipit mula sa China.
Samantala, itinanggi ni Tarriela ang paratang ni Duterte hinggil sa umano’y P10 milyong buwanang ayuda at tinawag itong maling impormasyon.
Sa huli, binanggit din ni Tarriela ang umano’y P51 bilyong isyung iniuugnay ni dating DPWH Undersecretary Catalina Cabral at sinabing dapat din itong mabigyang-linaw sa tamang panahon.
Matatandaang nauna nang iginiit ni Duterte na ang kanyang panawagang huwag “i-demonize” ang China ay hindi nangangahulugang kinakampihan niya ang naturang bansa o isinusuko ang soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.











