--Ads--

Matapos ang 10 pagtatangka, nakamit na rin ni Joo Dae Yeong ng Gapyeong Cycling Team ang kanyang unang stage win sa MPTC Tour of Luzon 2026.

Nagrehistro siya ng oras na 3:19:16 upang dominahin ang 158.7-kilometrong Stage 11 na nagsimula sa Candon City Arena sa Ilocos Sur at nagtapos sa San Juan Town Hall kahapon.

Pumangalawa si Saniy Syahmi Mohd Safiee ng Malaysian National Team na may 11 segundong agwat, habang ikatlo si Dominic Perez ng Pangasinan na 12 segundo ang layo.

Ayon kay Joo, naging mahirap ang pag-atake sa breakaway ngunit nagpasya siyang subukan ang tiyempo sa tamang pagkakataon matapos makasabay sa 17-rider lead pack sa six-lap Candon bypass route.

--Ads--

Sa huling 55 kilometro patungong Sta. Cruz, Ilocos Sur, tuluyang humiwalay si Joo upang makuha ang panalo.

Sinabi naman ni Perez na ibinigay niya ang lahat upang makapasok sa podium para sa Team Pangasinan.

Sa kabuuang standing, nananatiling nasa unahan ng Individual General Classification si Nikita Shulchenko ng LCW UAE Cycle sa oras na 32:57:30, kasunod ang kanyang teammate na si Yousef Ibrahiem Alrefai at si Antoine Huby ng 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines.

Nangunguna pa rin ang 7-Eleven sa Team General Classification, kasunod ang Go for Gold at Standard Insurance Philippines.

Itinuloy ngayong araw ang Stage 12 na may habang 141.4 kilometro mula Agoo, La Union patungong Mangatarem, Pangasinan.

Sa Stage 13 bukas, gaganapin ang Individual Time Trial sa Lingayen-Binmaley Baywalk, habang ang huling Stage 14 ay mula Lingayen patungong John Hay Hotels via Kennon Road.