Nasungkit ng Filipino cyclist na si Ryan Tugawin ng Excellent Noodles Cycling Team ang panalo sa Stage 8 ng MPTC Tour of Luzon 2026 matapos magrehistro ng oras na 3:16:58.
Sa huling bahagi ng karera, naungusan ni Tugawin ang kanyang mga katunggali upang makuha ang makabuluhang tagumpay para sa kanyang koponan, habang umiigting ang labanan para sa overall title papasok sa mga matitinding yugto sa kabundukan.
Tumapos sa ikalawang puwesto si Ariff Danial Noor Roseidi ng National Team Malaysia, habang si Marvin Mandac ng Go for Gold Philippines ang nakakuha ng ikatlong puwesto para sa international podium finish.
Sa kabila ng tagumpay ni Tugawin, nananatiling hawak ni Nikita Shulchenko ng LCW UAE Cycle Team ang Yellow Jersey at nangunguna sa Individual General Classification. Patuloy rin ang suporta ng kanyang teammate na si Yousef Ibrahiem Alrefai, na lider sa Best Young Rider category, habang kontrolado pa rin ng kanilang koponan ang kabuuang standings.
Patuloy naman ang pamamayagpag ni Joo Dae Yeong ng Gapyeong Cycling Team sa King of the Mountain classification, habang si Ivan Anisimov ng LCW UAE Cycle Team ang nangunguna sa Sprint Points standings.
Kinilala si Mark Jiro Paulo ng CCN bilang Most Combative Rider matapos ang agresibong pag-atake mula simula hanggang sa final stretch.
Sa Team General Classification, nananatiling nasa tuktok ang Go for Gold Philippines, ngunit nananatiling dikit ang labanan ng mga koponan.
Papasok na sa pinakamahalagang yugto ang Tour of Luzon 2026, kung saan inaasahan ang matinding sagupaan sa mga akyatan ng Northern Luzon, kabilang ang Bessang Pass at Baguio.











