Giit ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno na hindi dapat gamiting dahilan ang kasalukuyang krisis sa langis upang isuko ng Pilipinas ang karapatan nito sa West Philippine Sea (WPS) sa China.
Patuloy na hinihimok ni Diokno ang Malacañang na gawing transparent ang anumang negosasyon o pag-uusap sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay ng posibleng pag-explore ng oil at gas resources sa naturang lugar.
Binigyang-diin din ng mambabatas ang kahalagahan ng maingat na pagtingin sa mga kasunduan o terminolohiyang ginagamit sa usapin ng “joint development,” na aniya ay maaaring magdulot ng isyu sa soberanya at pag-aari ng likas na yaman ng bansa.
Ipinunto rin niya ang kasaysayan ng Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU) noong 2005 na kalauna’y idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema, at ang mga naging pagtatangka na buhayin ito sa mga nakaraang administrasyon.
Babala pa niya, dapat maging maingat ang pamahalaan sa pakikipag-usap sa China dahil maaari umanong maapektuhan ang karapatan ng Pilipinas sa oil at gas reserves sa WPS.
Giit pa ng mambabatas, dapat pag-aralan ng gobyerno ang pakikipag-ugnayan sa ibang bansa na may kakayahan sa energy development upang hindi umasa lamang sa iisang kapartner, at makapagsulong ng energy independence sa hinaharap.











