Itinulak nina House Speaker Faustino Dy III at House Majority Leader Sandro Marcos ang panukalang KALINGA Act (House Bill 8834) na naglalayong magtatag ng isang national protection system upang hindi mapasan ng mga ordinaryong Pilipino ang epekto ng oil crisis.
Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng mabilis, targeted, at awtomatikong mekanismo ang pamahalaan sa pagtugon sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na direktang nakaaapekto sa pamasahe, pagkain, at kuryente.
Awtomatikong ipatutupad ang KALINGA program kapag may mga kritikal na indikasyon tulad ng biglaang pagtaas ng presyo ng langis, hindi pangkaraniwang pag-angat ng inflation, kakulangan sa suplay ng petrolyo, o deklarasyon ng national energy emergency.
Kabilang sa mga pangunahing bahagi ng programa ang fuel price stabilization, energy supply at security management, targeted assistance, logistics at essential goods stabilization, suporta sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs), energy conservation measures, at flexible fiscal at regulatory interventions.
Layunin din ng panukala na agarang matulungan ang mga bulnerableng sektor tulad ng mahihirap na pamilya, mga tsuper ng pampublikong sasakyan, magsasaka, mangingisda, MSMEs, at overseas Filipino workers, batay sa pagtukoy ng isang inter-agency task force.
Sa kabuuan, layon ng KALINGA Act na magbigay ng sistematikong tugon ng pamahalaan sa panahon ng krisis upang matiyak na hindi napapabayaan ang mga Pilipino sa gitna ng tumataas na gastusin.











