--Ads--

Isang kubo-kubo at ilang alagang manok na pansabong ang tuluyang naabo matapos masunog sa Purok 1, Barangay Marabulig, Cauayan City ngayong araw ng Linggo, Marso 22.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Marissa Rey, may-ari ng nasunog na kubo, sinabi niyang wala silang tao sa lugar nang mangyari ang insidente dahil dumalo sila sa isang meeting sa barangay hall.

Ayon kay Rey, iniwan nilang naka-lock ang kubo at walang naiwan sa kanilang tahanan. Laking gulat na lamang aniya nang ipaalam sa kanila habang nasa pulong na nasusunog na ang kanilang kubo.

Tinatayang aabot sa P50,000 pesos ang halaga ng pinsala, kung saan kabilang sa naabo ang kubo at ilang alagang manok na pansabong. Bagama’t una umanong nabanggit na dalawa ang nasunog na manok, lumalabas sa huling bilang na aabot ito sa pito, na may halagang humigit-kumulang ₱10,000 ang bawat isa.

--Ads--

Sa kabila ng insidente, nagpapasalamat pa rin ang biktima dahil hindi nadamay ang kanilang inaalagaang kalabaw na malapit lamang sa nasunog na kubo.

Batay sa pahayag ng mga residente, may narinig umanong pagsabog bago tuluyang lumiyab ang apoy sa loob ng kubo. Isa sa tinitingnang anggulo ay ang posibleng kinalaman ng solar lighting system na matagal nang ginagamit sa lugar, bagama’t wala pang kumpirmasyon dito.

Sa ngayon, patuloy pang iniimbestigahan ng mga otoridad ang sanhi ng sunog.

Samantala, plano ng biktima na muling magtayo ng kubo sa lugar upang mabantayan ang kanilang mga pananim at alagang hayop.

Pinaalalahanan naman ng mga awtoridad ang publiko na maging maingat at tiyaking ligtas ang mga gamit sa tahanan upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.