--Ads--

Kinuwestyon ng Federation of Free Workers (FFW) ang kredibilidad ng isang bagong inilabas na “workplace happiness” report ng mga manggagawang Pilipino, na ginawa ng isang online job search company.

Ayon sa FFW, hindi umano tumutugma ang resulta ng survey sa aktuwal na kalagayan ng mga manggagawa sa bansa, na patuloy na nakararanas ng mababang sahod, job insecurity, at paglabag sa karapatang paggawa.

Ayon kay Julius Cainglet, Vice President ng FFW, nagdududa sila sa kung sino ang mga respondent ng naturang pag-aaral at tinawag pa niya itong kuwestiyonable.

Ikinumpara ng grupo ang survey sa ulat ng Workers Rights Watch, na nagsiwalat ng patuloy na mga kaso ng paglabag sa karapatan ng mga manggagawa sa bansa.

--Ads--

Batay sa WRW report, naitala ang hindi bababa sa 1.5 kaso ng labor rights violations kada linggo noong 2025, kabilang ang harassment, intimidation, red-tagging, at pagbabanta na nakaapekto sa libu-libong manggagawa.

Iniulat din ang mga kaso ng unfair labor practices, union busting, at illegal dismissal na nakaapekto sa daan-daang manggagawa sa iba’t ibang sektor.

Ayon sa WRW, layunin ng kanilang monitoring na bantayan ang mga kaso ng paglabag sa karapatan ng mga manggagawa sa Pilipinas, sa tulong ng mga organisasyong labor at international partners.

Kinuwestyon din ng FFW ang sinasabing “kasiyahan” ng mga manggagawa, binanggit ang patuloy na pag-alis ng mga Pilipino para magtrabaho sa ibang bansa at ang mahirap na kondisyon ng mga delivery rider at iba pang manggagawa sa gig economy.

Ayon pa sa grupo, nananatiling problema ang contractualization, hindi nareresolbang labor disputes, at panawagan para sa dagdag-sahod at reporma sa wage system sa mga rehiyon.

Dagdag pa ng FFW, maaaring hindi rin sapat ang representasyon ng mga manggagawa mula sa impormal at mababang sektor sa naturang survey.