
CAUAYAN CITY – Hindi muna magpapadala ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mga nurses sa Saudi Arabia hangga’t hindi naipapaliwanag ang pagpapalibing sa apat na Overseas Filipino Workers (OFW) na namatay dahil sa COVID-19 nang hindi ipinabatid sa pamahalaan ng Pilipinas at sa mga kamag-anak ng mga OFW.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Labor Secretary Silvestre Bello III, sinabi niya na tinawagan niya ang ambassador ng Saudi Arabia at nagprotesta sa hindi pagbibigay ng pabatid sa kanila nang ipalibing ang apat na OFW na namatay dahil sa COVID-19.
Sinabi ni Labor Secretary Bello na nakatakda sanang ipadala ng DOLE ang 600 nurses bilang bahagi ng Government to Government Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Saudi Arabia ngunit kanilang binawi muna.
Nagreklamo sa kanilang tanggapan ang mga pamilya ng mga namatay na OFW
Hangga’t hindi nagpapaliwanag ang nasabing bansa sa naging hakbang sa mga namatay na OFW ay hindi magpapadala ang DOLE ng mga health workers.
Ayon kay Kalihim Bello, sinabihan na niya ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na huwag munang magpadala ng mga health workers sa Saudi Arabia hanggat wala itong paliwanag sa kanilang ginawa.










