--Ads--

CAUAYAN CITY – Kulong ang isang lalaki matapos umanong manloob at magnakaw sa isang bahay sa Beverly Hills, Cabaruan, Cauayan City, Isabela.

Ang suspek ay si alyas “Roger”, 43-anyos, driver, at residente ng nabanggit na lugar habang ang niloobang bahay ay pagmamay-ari ni Sheralyn Estonacto, kawani ng Local Government Unit ng Cauayan City.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, wala umano sa bahay si Sheralyn at ang anak nito nang looban ng suspek ang kanilang bahay.

Nang makauwi ang mga biktima ay napansin umano nila na bukas ang kanilang pinto at nang kanilang buksan ang ilaw ay doon na tumambad sa mga biktima ang mga basag na palamuti sa bahay.

--Ads--

Agad naman umanong nagtungo ang mga biktima sa kanilang kwarto upang tingnan ang kanilang gamit at napansin ni Jay na nawawala na ang kanyang pera na nagkakahalaga ng P350 na inilagay lamang umano niya sa kanyang cabinet.

Bukod dito ay nawawala na rin umano ang adaptor ng charger ng kanyang laptop.

Nagulat na lamang umano si Jay nang makita ang lalaki na nagtatago sa likod ng pintuan hawak hawak ang kanyang nawawalang gamit.

Tinangka pa umano ng suspek na tumakas at tumalon pa ito sa bintana ngunit nahabol ng mga kapitbahay.

Agad namang tumawag ng tanod ang mga biktima para ipasakamay sa  Cauayan City Police Station ang suspek para sa paghahain ng reklamo.