Ikinatuwa ng mga tsuper sa Lungsod ng Cauayan ang rollback sa presyo ng produktong petrolyo na isang malaking kaginhawaan sa kanilang pamamasada.
Itinuturing nila ito bilang isang positibong hakbang kahit pa limitado lamang ang epekto nito sa kanilang kabuhayan matapos ang pagsirit ng husto ng presyo ng petrolyo sa nagdaang mga linggo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Arnold Yabut, Chairman ng Progressive Transport Group Cooperative, sinabi niya na bagaman sila ay natutuwa sila sa 20 pesos na rollback sa Diesel ngayong araw ay hindi maikakaila na hindi pa rin ito gaanong mararamdaman ng mga tsuper dahil nasa mahigit 100 pesos pa rin kada litro ang Diesel.
Dahil dito, madaragdagan man ng kaunti ang kanilang kita ay hindi pa rin ito sasapat para sa boundary maintenance ng kanilang ipinapasadang sasakyan, at personal na pangangailangan ng kanilang pamilya.
Ayon kay Yabut, isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit mabigat pa rin ang presyo ng produktong petrolyo ay dahil sa ipinapataw na excise tax ng langis.
Sa kasalukuyan ay nasa 6 pesos ang excise tax ng Diesel na tinatayang nasa nasa 10% hanggang 15% ang kabuuang presyo nito sa Merkado.
Aniya, kung talagang nais ng pamahalaan na matulungan ang transport sector ay mas makabubuting tanggalin pansamantala ang excise tax sa langis na para sa kaniya ay isang pangmatagalang solusyon.











