--Ads--

Patay ang isang lalaki matapos umanong pagbabarilin sa harap mismo ng kanilang bahay sa Barangay Union, Cauayan City, Isabela, nitong gabi ng Oktubre 3.

Ayon sa nakalap na impormasyon ng Bombo News Team, bandang alas-9 hanggang alas-10 ng gabi nang umuwi ang biktima mula sa isang party at dumiretso sa kanilang bahay upang kunin ang kanyang single motorcycle.

Sakay umano ng tricycle ang biktima nang umuwi at pagkakuha sa kanyang motorsiklo ay sumakay ito at aalis na sana nang pagbabarilin.

Tinamaan umano ang biktima sa ulo at dibdib na agad nitong ikinasawi.

--Ads--

Samantala, natutulog umano ang mga kaanak ng biktima sa loob ng bahay nang mangyari ang pamamaril kaya wala silang nakitang suspek o nakapagsabi kung sino ang responsable sa insidente.

May CCTV camera umano sa bahagi ng isang paaralan na nakatapat sa bahay ng biktima, subalit madilim umano ang lugar at walang ilaw sa harapan ng bahay nang mangyari ang insidente, dahilan upang hindi malinaw sa CCTV ang aktuwal na pamamaril.Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek at motibo sa pamamaril.