--Ads--

Arestado ang isang lalaki matapos umano niyang saksakin ang kanyang bayaw dahil sa isyu ng tahol ng aso sa bayan ng Hagonoy, Bulacan.

Batay sa ulat ng Hagonoy Police Station, naganap ang insidente sa pagitan ng alas-10:00 hanggang alas-11:30 ng gabi noong Abril 13 sa Barangay San Agustin.

Ayon sa isang saksi, dumating ang suspek upang bumili sa tindahan ng biktima, ngunit nainis umano ito sa walang tigil na pagtahol ng aso. Nilapitan ng biktima ang suspek na nauwi sa mainitang pagtatalo at kalaunan ay pisikalan, na agad namang naawat ng saksi.

Makalipas ang ilang sandali, bumalik ang suspek na armado ng patalim at inatake ang biktima sa loob ng tindahan.

--Ads--

Agad namang humingi ng tulong ang mga kaanak ng biktima sa mga barangay tanod na rumesponde at nakahabol sa suspek.

Tinangka pa umano nitong tumakas, ngunit sa tulong ng isang off-duty na pulis na si Pat. Nestor Agne na nagkataong napadaan, tuluyan itong naaresto.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kaukulang mga kaso.