Sugatan ang isang 39-anyos na lalaki matapos saksakin ng kapwa lalaki kasunod ng mainitang pagtatalo sa Barangay Baculod, Cauayan City, nitong gabi ng Oktubre 24, 2026.
Kinilala ang biktima na isang magsasaka at residente ng Purok 7, ng nasabing barangay, habang arestado naman ang suspek na 24-anyos, na residente rin ng kaparehong barangay.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Cauayan City Police Station, nag-iinuman ang dalawa sa bahay isa nilang kakilala nang mauwi sa mainitang pagtatalo ang kanilang pag-uusap dahil sa dati nang alitan.
Nagpasya umanong umuwi ang suspek, subalit sinundan siya ng biktima. Kumuha naman umano ang suspek ng kutsilyo sa kusina at lumabas ng kanilang bahay.
Dito na nagkaroon ng pisikal na komprontasyon ang dalawa, kung saan sinuntok umano ng biktima ang suspek bago siya sinaksak nito nang isang beses sa tiyan.
Agad namang namagitan ang mga concerned citizen upang awatin ang dalawa.
Isinugod ng mga tauhan ng Rescue 922 ang biktima sa Dr. Easter Garcia Medical Hospital para sa agarang pagpapagamot.
Samantala, kusang sumuko ang suspek sa mga rumespondeng pulis at isinuko rin ang kutsilyong umano’y ginamit sa pananaksak.
Dinala ang suspek sa Cauayan District Hospital para sa pisikal at medikal na pagsusuri bago siya dinala sa Cauayan City Police Station para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso sa tanggapan ng City Prosecutor.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.











