Nasugatan ang isang lalaki matapos na ito ay pagbabarilin ng tatlong mga suspek sa isang barangay sa bayan ng Maconacon, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Scarlette Topinio, tagapagsalita ng Isabela Police Provincial Office o IPPO sinabi niya na ang biktima ay isang tatlumput siyam na taong gulang, may asawa at residente ng Brgy. Fely, Maconacon, Isabela.
Batay sa pagsisiyasat ng Maconacon Police Station, nangyari ang insidente sa mabundok na bahagi ng provincial road sa Brgy. Canadam, Maconacon Isabela.
Ayon sa biktima, pauwi na siya sa kanilang bahay nang sundan siya ng mga suspek na sina Marvin Tagao at dalawa pang hindi nakikilang indibidwal na bigla na lamang siyang pinaputukan ng baril at tinamaan sa kanyang kanang balikat.
Agad namang nadala ang biktima sa Rural Health Unit ng Maconacon at nasa ligtas nang kalagayan.
Nagpapatuloy naman ang isinasagawang manhunt operation ng pulisya laban sa mga suspek na tumakas sa kabundukang nasasakupan ng nasabing barangay at isa sa tinitingnang rason sa pamamaril ang personal grudge laban sa biktima.