Hindi na gaanong binuksan sa publiko ngayong taon ang artistic tomb sa Nambaran Artistic Tombs sa Tabuk City, Kalinga dahil sa conflict sa pagitan ng dalawang tribo na nasa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Aurora Amilig, Public Information Officer ng Tabuk City, Kalinga, sinabi nito na pinahintulutan pa rin naman ang paglilinis sa naturang sementeryo subalit nakabantay ang mga uniformed personnel upang matiyak ang kaligtasan at kapayapaan sa lugar.
Dahil sa naturang tribal conflict, paisa-isa lang sa pamilya ng mga yumao na nakalibing roon ang dumalaw sa mga puntod.
Kilala ang Nambaran Artistic Cemetery dahil sa kakaibang mga desenyo ng mga puntod, gaya na lamang ng helicopter, Leon, Ibon, Barko, at iba pang mga unique designs na sumasalamin sa paborito o kahilingan ng mga yumao.
Nilinaw ni Amilig na hindi naman talaga tradisyon ang paglalagay ng disenyo sa mga puntod, mayroon lamang nagpauso nito na sinundan naman na ng mga sumunod na inilibing roon.
Bagama’t mayroong conflict, hindi naman pinagbabawalan ang mga nais bumisita sa naturang sementeryo basta’t huwag lamang silang magtatagal sa lugar.
Aniya, ligtas paring bumisita ang mga turista sa artistic tomb sapagkat hindi naman sila kasali sa naturang tribal conflict.











