--Ads--

Tuluyan nang ipinagbawal sa Pilipinas ang GoreBox, matapos iugnay sa isang menor de edad na suspek sa school shooting sa Tacloban City noong Hunyo ang paglalaro ng naturang violent sandbox game.

Ayon kay DICT Secretary Henry Aguda, nagkasundo ang ahensya at developers ng GoreBox na alisin at i-block ang laro sa bansa. Mismong developers umano ang boluntaryong nagmungkahi ng pagtanggal nito.

Nauna nang pansamantalang hinarang ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC ang GoreBox bilang precautionary measure habang iniimbestigahan ang posibleng kaugnayan nito sa insidente.

Batay sa paunang imbestigasyon, isa sa dalawang menor de edad na suspek sa pamamaril sa San Jose National High School ang regular na naglalaro ng GoreBox. Sa insidente, tatlong estudyante ang nasawi at 20 ang nasugatan.

--Ads--

Ang GoreBox, na inilunsad noong 2023, ay isang physics-based sandbox game na nagtatampok ng mga armas at graphic depictions ng karahasan. May 18+ age rating din ito.

Gayunman, wala pang direktang ebidensyang nagpapatunay na ang laro ang sanhi ng pamamaril. Sinabi rin ng mga awtoridad na patuloy ang imbestigasyon sa iba pang posibleng salik sa insidente.