Nakatakdang tumanggap ng sariling star sa Hollywood Walk of Fame ang Filipino theater icon na si Lea Salonga ngayong linggo.
Gaganapin ang seremonya sa Biyernes, alas-11:30 ng umaga Pacific Time o alas-2:30 ng madaling-araw sa Sabado, oras sa Pilipinas, sa 6225 Hollywood Boulevard sa Los Angeles, California, sa harap ng Hollywood Pantages Theatre.
Ibinahagi na rin ng Hollywood Walk of Fame organization ang unang silip sa star ni Salonga bago ang unveiling ceremony.
Si Salonga ang magiging ika-2,855 personalidad na magkakaroon ng star sa Hollywood Walk of Fame at kauna-unahang Filipino na tatanggap ng naturang pagkilala. Ilalagay ang kanyang star sa kategoryang Live Performance.
Kabilang sa mga nagpaabot ng suporta kay Salonga sina Vina Morales, Neri Naig at Veejay Floresca.
Kilala si Salonga sa kanyang mga pagganap sa Broadway at bilang singing voice nina Princess Jasmine at Mulan sa mga pelikula ng Disney.
Noong 2025, gumanap siya bilang The Witch sa lokal na produksiyon ng Into the Woods, habang nitong Enero ay naging bahagi siya ng Les Misérables: The World Tour Spectacular bilang Madame Thénardier.





