Mariing itinanggi ni Senadora Loren Legarda ang mga alegasyong nag-uugnay sa kanya sa umano’y iregularidad sa mga kontrata sa solar energy na kinasasangkutan din ng kanyang anak na si Leandro Leviste, at iginiit na ang mga paratang laban sa kanya ay “ganap na mali at walang basehan.”
Sa inilabas na pahayag noong Hulyo 31, sinabi ni Legarda na wala pa silang natatanggap na anumang komunikasyon mula sa Office of the Ombudsman kaugnay ng iniulat na isasagawang preliminary investigation.
Ayon sa senadora, sa buong panahon ng kanyang panunungkulan sa gobyerno mula pa noong 1998 ay pinahalagahan niya ang kanyang integridad, kaya’t aniya ay hindi nararapat ang mga ibinabatong akusasyon laban sa kanya.
Iginiit din niya na walang pampublikong pondo na nasangkot sa naturang usapin at handa silang ilahad ang katotohanan upang mapabulaanan ang mga alegasyon.
Nauna rito, sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na isinusulong na ng kanyang tanggapan ang isang preliminary investigation laban kina Legarda, Leviste at dating Energy Secretary Alfonso Cusi.
Batay sa paunang imbestigasyon, umano’y nagsabwatan ang mga ito upang makakuha ng eksklusibong karapatan ng pamahalaan sa mga solar energy resources ng bansa sa pamamagitan ng mga hakbang na lehislatibo at regulasyon.
Posibleng maharap ang mga sangkot sa mga reklamong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, at maging sa Plunder Law.
Ayon pa sa Ombudsman, ilang eksklusibong solar energy service contracts ang umano’y naigawad sa mga korporasyong konektado sa network ni Leviste, kung saan marami sa mga proyekto ang sinasabing hindi naidebelop.
Samantala, hinikayat ni Legarda ang publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong lumalabas, lalo na sa panahon at paraan ng paglabas ng mga alegasyon. Tiwala rin umano siya na mapapawalang-sala sila sa sandaling mailatag ang buong katotohanan at malinis ang kanilang pangalan.











